Friday, 17 February 2012

Salamat Erpat

                Bakit nga ba ang mga anak na lalake kadalasan maka-Nanay at yung mga anak naman na babae maka-nanay parin? mangilan-ngilan lang siguro yung mga anak na maka-Tatay. Yung mga lalakeng  maka-Tatay  malimit na inidolo nila ang kanilang Ama mula pagkabata. Kumbaga kung Pulis si Tatay dapat maging Pulis din sya kasi... kasi... kasi...Astig! Kung mala Asiong Salonga ang datingan ni Tatay sa kanyang lugar dapat maging Gangster din sya kasi... kasi.. kasi.. Astig! At yung mga babae namang maka-tatay minsan mga nagiging “tomboy”

                Maging sa Amerika parang si Nanay lagi ang bida sa pamilya. Bakit? Tanungin mo sa nag-imbento ng salitang “Mama’s Boy” na karaniwang tukso sa mga lalake. Tanungin mo dun sa mga direktor ng napapanood mo sa TV na kung saan sobrang siga ni lalake, lulusubin ang isang batalyon ng mga goons at hindi man lamang sya tatamaan kahit isang bala, pero iiyak sya ‘pag nag-dramahan na sila ng Nanay nya. Pero kadalasan galit sa kanya si Erpat nya kaya hindi sila close. 

                May mga sumasagi sa isip ko kung bakit puro na lang si Nanay ang bida sa eksena. Si Nanay kasi malambing, mapagmahal, maunawain, hindi mainitin ang ulo, bihirang mamalo, laging nandyan kapag-kailangan mo ng pambili ng yosi, bihirang manermon kapag umuwi ka ng lasing kakainom ng Cali, taga-pag tanggol mo kapag pinapagalitan ka ng Tatay mo dahil hindi ka ng hugas ng pinggan (busy ka kasi dota), nagaruga sayo mula sperm-cell hanggang sa kinatatayuan mo ngayon at kabaligtaran ng lahat nito si Tatay.

                Oo aminado akong malapit ako sa Nanay ko dahil sa mga nabanggit ko pero hindi nangangahulugang hindi ko mahal si Erpat. Kahit na si Erpat ang kasama ko mula bata hanggang mag-asawa ako. Hindi ko mapaliwanag ang dahilan kung bakit hindi ko kayang magsabi ng problema kay Erpat o sabihing “Pa, binasted ako ng nililigawan kong si Ashlynn Brooke”.(Wala pa akong nakitang mag-Amang nagiiyakan habang tumatagay ng Gin sa labas ng bahay at nagsasabihan ng “I love you Tay.XoXo.”

                Pero bakit ba sa tuwing gusto kong maglambing sa kanya o umakbay o kurot-kurotin din ang kanyang mga braso habang nanonood ng T.V. o umankla sa kanya kapag nasa Mall kami ay hindi ko magawa. Gusto ko rin maglambing sa Erpat ko, gusto ko rin sabihin sa kanyang “Pa, Mahal na mahal ko kayong dalawa ni Mama” pero hindi ko masabi sa kanya tulad ng pagsabi ko kay Ermat. Alam kong alam ni Erpat kung gaano ko sya kamahal hindi ko man masabi sa kanya araw-araw alam kong kahit papaano naman ay nararamdaman nya yun.

                Salamat kay Erpat. Kung hindi dahil sa kanya hindi siguro ako nakakapag-facebook ngayon. Kung hindi dahil sa pagdi-disiplina nya hindi sana ako marunong gumalang sa mga matatanda ngayon. Kung hindi dahil sa kanya hindi ko sana alam ang kantang “pasko na, sinta ko.. hanap-hanap kita...”. Kung hindi dahil sa kanya hindi ko sana alam spellengin ang “crocodile”. Kung hindi dahil sa kanya hindi sana ako naging Best in Reading nung elementary ako. Kung hindi dahil sa kanya hindi ko sana kinakabisa ang ibat-ibang klase ng tula bago ang Linggo ng Wika nung elementary ako. Kung hindi dahil sa kanya hindi siguro ako sumali ng  “scrabble contest” nung H.S. ako at nanalong 2nd place dahil dinaya ako. Kung hindi dahil sa kanya hindi sana ako nagyayabang ngayon. Salamat ng marami Ernesto Vargas Basaliso.




PS. Buhay pa po ang Tatay ko, gusto ko lang sabihing mahal na mahal ko sya gaya ng pagmamahal ko sa Nanay ko.