Wednesday 29 June 2011

Kailangan ba talaga kita?

Ang subject na Rizal, Science, Araling Panlipunan at kung anu-ano pang subject na kailangan mong maipasa para makatapos ng elementary, high-school at college.

Ang tanong ko lang, kailangan ba talaga ang mga ito sa kursong iyong kinuha? halimbawa ikaw ay isang nars sa ospital, tatanungin ba ng iyong paseyente kung kilala mo si rizal o kung alam mo ang buong pagkatao ni rizal?

Kung ikaw ay isang I.T. sa isang company kapag ba na-virusan ang pc mo gumagamit kaba ng biology anti-virus ? o tatanungin kba ng computer mo kung alam mo ang ibig sabihin ng H2O?

Napakaraming subject sa skwelahan ang hindi naman kailangan sa iyong kurso, pampalaki lang ito sa tuition na binabayaran mo. OO hindi ako naka graduate ng 2 year course dahil kay rizal masyado na akong naiirita sa kanya. Natapos ko na ang el fili at noli noong ako’y nasa high school pero kailangan parin daw kaming mag tagpo sa College. 1st day of school Tinanong ko ang teacher ko noon sa Rizal noong nasa college pa ako, “Ma’am bakit kailangan pa ng subject na rizal gayong natapos ko na ito nung high-school ako” , simple lang sagot sakin “Kung ayaw mo ng subject na rizal, dalawa ang pintuan makakalabas kana”. Ganoon nga ang ginawa ko dahil sa mga WALANG KWENTANG SUBJECT at alam ko namang hindi ito makakatulong sa kurso kong Computer Science, nilayasan ko siya.

After 2 years yung mga ka batch ko naka graduate na at karamihan nag ta-trabaho sa SM bilang sales-lady or waiter. Nasan na ngayon yung mga subject na ipinasa nila? nakatulong ba ito sa kanila? tinulungan ba sila ng PE 1,2,3,4 para magkaroon ng trabaho?

Isa akong OFW ngayon at nagtatrabaho sa isang Factory sa labas ng bansa bilang IT, peke rin ang mga diploma ko. Maraming salamat sa aking experience at aking kumpare na si Patrick at natuto ako sa computer ng hindi tinapos ang subject na Rizal. Hindi ako nagsunog ng kilay at konti lang din ang natutunan ko sa skwelahan noon tungkol sa computer ni hindi nga kami tinuruan kung paano ang mag format ng pc.

Ngayon tanging Manual at self-study ang ginagawa ko para matutunan ang program na binili ng company namin sa kung sinong hindi ko kilala. Pero kung marunong ka naman umintindi at meron ka namang konting kaalaman sa computer madali mo itong matututunan.

Dapat na sigurong alisin ang mga subject na hindi naman talaga kailangan sa iyong kurso, dagdag assignment, project, exam, recitation at tuition lang ito para sa isang mag-aaral. Hindi ko alam kung sinong tanga ang naglagay ng mga subject na ito.

Ang Working experience

Halos labing limang taon sa iskwelahan, labing limang taong pakikisama sa ibat-ibang uri ng tao, labing limang taong pag-gising sa umaga at pag uwi ng hapon sa wakas naka-graduate kana rin. Pagkatapos ng pakikidigma kailangan mo ng gamitin ang natutunan mo sa iskwelahan.
Halos lahat ng kumpanya ngayon sa Pinas naghahanap na ng "working experince" mangilan-ngilan na lang ata ang hindi. Pero paano ka nga ba magkakaroon ng working experience kung hindi ka nila tatanggapin? Napaka-raming trabaho "daw" sabi ng Gobyerno, halos lingguhan din kung magkaroon ng job fair pero milyon parin ang unemployed sa bansa at daang libo parin ang nakatapos sa kolehiyo pero walang trabaho.

At madalas nagkakatalo sa working experience kaya dalawa lang ang bagsak ng nakatapos ng kolehiyo sa atin; fast food chain o call center. Ang normal naman na tao na nakatapos ng H.S. ay janitor, messenger, kasambahay at ang pinaka masaklap construction worker. Eh, papaano naman yung mga taong elementarya ang natapos? kawawa naman sila.

Isipin mo naman kasi ang isang Sales Lady sa Pinas kailangan ay naka tuntong sa kolehiyo o kaya tapos ng high skul at take note dapat with pleasing personality, gayong ang ibebenta mo naman ay produkto hindi ang sarili mo. Kaya rin naman mag-alok ng produkto ng isang taong hindi marunong bumasa at sumulat ah, as long as nagkakaintindihan kayo pwede na yun! bakit kailangan mo pang makatuntong sa kolehiyo? bakit kailangan pang maganda/gwapo ka kung tsinelas lang sa isang mall ang ititinda mo?

Ngayon pati narin ang kasambahay hinihigpitan narin, kailangan "daw" may working experience kana.. Anak ng tipaklong sa loob palang ng bahay itinuturo na sa karaniwang tao ang paglilinis, paglalaba, pamamalantsa, pagluluto hindi pa ba sapat na working experience yun?

Kaya patuloy na dumarami ang tambay sa kanto, patuloy na dumarami ang magnanakaw, snatcher, holdaper, patuloy na dumarami ang mga prostitute, patuloy na dumarami ang pusher, nagpapataya ng jueteng, patuloy na dumarami ang street vendor at namamalimos sa kalsada. Dahil ang mga ganyang trabaho hindi na kailangan ng working experience, hindi na rin dadaan sa katakot takot na interview.

Magtanong ka sa mga kakilala mong nasa ibang bansa, tanungin mo ang standard na kailangan sa isang fastfood chain o kahit sa janitor na lang. Malaki ang pagkakaiba, dito sa bansang aking tinutuluyan tinanong ko ang janitor namin kung nakapagaral sya simple lang sagot saken, "no sir". No read, no write pero janitor sya at maraming salamat sa kanya dahil napapanatili nyang malinis ang aming opisina.

Kalokohan kasi yang working experience na yan e, meron na nga silang interview at meron naman silang "training" na tinatawag, pero kailangan mo parin ng working experience? Bulok na sistemang nangangailangan ng pagbabago...

Friday 24 June 2011

Trabaho, trabaho, trabaho

Sa wakas, sa loob ng mahigit 4 na buwang pag tambay sa labas ng bansa nag ka-trabaho rin. Ito ang unang beses kong mag ta-trabaho at unang subok sa pagta-trabaho ay napasabak agad sa labas ng bansa ayaw ko kasi mag trabaho sa atin sa Pinas, maliit na nga ang sahod kakaltasan kapa ng kung ano-anong kakurakutan ng Gobyerno.

Salamat kay Ninang Joy na tumulong sa akin para magkatrabaho ako. Chinese Company itong napasukan ko ngayon, syempre karamihan ng matataas ang rango dito ay mga insik muka rin kasi akong insik, kaya siguro na-tanggap.

 Si Boss isang pamintang buo, bakit? bading kung magsalita, maglakad at laging naka lip-gloss pero ayaw umaming bading sya parang pamintang buo malalaman mo lang na maanghang pag nabuksan mo ang loob.

Si General Manager pangalawa kay Bossing, si Boy Sigaw, ang taong naka-lunok ng megaphone, pinaglilihan ang aming Janitor. Imba itong si GM araw-araw itong nakasigaw lalo na pag kausap ay mga itim, hindi ko alam kung bakit masamang masama ang loob nya sa mundo. Sa tatlong linggo kong pamamalagi dito di pa naman ako nasisigawan pero ok lang naman sakin ang masigawan ng Amo ko, pero pag hindi ito sumigaw ng isang buong araw mag re-resign na agad ako.

Si Mighty Mouse the Electrician yan ang binansag ni GM dyan kay electrician ewan ko kung bakit. Kinausap ako ni Mighty Mouse isang beses habang nasa stock room ako at nag au-audit doon, walang akong naintindihan na salita kundi "NO-DE"(pideon english) na ibig sabihin ay "not there". Masakit sa ulong kausap itong si Mighty Mouse pero naiintindihan ko naman yung gusto nyang iparating pero nabobobo ako, pag naman sinabi kong hindi ko sya maintindihan baka nman magalit sakin.

Master Gu model ng close up laging naka smile kabaliktaran ni GM. Kada may makakasalubong na ponsyo pilato itong si Master Gu laging naka "hi" sabay smile. Masyadong masayahin ito na dinaig pa ang abnormal sa kakangiti, Ang nakakabwisit kay master Gu minsan malayo kana naka-ngiti parin sayo daig pa ang naka mariwana o naka rugby nito lakas ng amats lagi

Master Xiang ito ang tirador ng ulam, ang taong may vetsin lagi sa bibig. Magana laging kumain itong si Master Xiang, masarap syang kasabay, sa sobrang gana nito sa pagkain parang nakasubsob lagi sa muka nya ang kanin hindi na ata humihinga ito pag kumakain e wala rin syang paki-alam kahit sabihin ng kapwa insik na may kanin ka sa noo sige parin ang ngasab nito.

Si Yu ang kasama ko sa Computer-Room. TAMAD naman itong taong to, nakaka bwisit kasama, habang ikaw ay busyng-busy sa pag gagawa ng kung ano-ano sya naman ay nag ba-Baiju (Google ng Chinese) walang alam itong hinayupak na ito pag dating sa computer, kya nag tataka ako paanong nahire itong lintek na ito, kaya madalas kapag may tanong ng kung ano sa computer aabalahin pa ako ng gago

Meron pang mga 10 chinese akong kasama dito mahigit 15 katao rin kami sa isang malaking lamesa at ako lang ang nagiisang Pinoy, kaya pag kumakain na kami hindi ko alam kung minumura na ako ng mga insik na to o ano e.

Mahirap makisama sa ibang lahi, lalo na kung hirap kayong magkaintindihan gawa ng "language barier" pero mahirap man gagawin ko at kakayanin wala nman kasing bagay na madali. Masarap ang may trabaho kahit papaano kasi may pinagkakaabalahan ako syempre kumikita pa ako.

Wednesday 15 June 2011

Suyang-suya na ako sa panglalait, pang-aasar, pag-huhusga at hindi magandang imahe ng Filipino at Pilipinas. Wala na akong nabasa, narinig o nakitang magandang balita tungkol sa Filipino at Pilipinas (Para sa akin kasi hindi magandang balita ang pagsoli ng taxi driver na Pinoy sa gamit o perang naiwan sa kanyang taxi at umay na umay na ako sa sumisikat na Half-Pinoy, Half-ewan sa labas ng bansa)

Noong bata ako sikat lang sa mga Porener ay ang ating Hagdang-Hagdang-Palayan hindi ko alam kung sino ang gumawa noon dahil wala akong panahon sa history. Ngayon sandamakmak na ang magagandang tanawin at pasyalan sa Pilipinas. Pero ano nga ba ang magandang naidulot sa Pilipinas ng 7th wonder of the world? parang wala naman, hindi ko rin ramdam ang pag-unlad ng Pilipinas dahil marami paring sira-sirang kalye, marami paring nakatambak na basura sa kalsada, marami paring krimen na nagaganap sa bansa at lalong dumadami pa ito.

Sa totoo lang masarap maging Pilipino kasi ito ang nakalakihan kong ugali. OO galit ako sa Gobyerno at Pulitiko sa bansa. Pero alam ko na kahit anong blog, tweet, tumbler, tag, tv news, radio news at kahit murahin mo sila ng harap-harapan wala na tayong magagawa, Ganoon na sila at tanggapin na lang natin ang katotohanang WALANG PAG-ASANG umangat at Pilipinas at bumaba kahit 20 php = 1$. Sa atin ito magsisimula, tayo ang bubuhay sa sarili nating mga pamilya, tayo mismo ang sasagip ng bansa ng hindi nangangailangan ng tulong. Kung marunong lang sana mag-kaisa ang bawat Pilipino, kahit sa simpleng pag tapon ng balat ng kendi sa basurahan o ang pag hiwalay ng nabubulok at di-nabubulok kahit sa kalinisan na lang IPAGMANALAKI MO MULI ANG PILIPINAS.

Proud parin naman ako sa pagiging Pinoy at hindi ko itatangging Pinoy ako sa ibang lahi sa kabila ng mga maling nagawa ng Pinoy, WALANG KASALANAN ANG PILIPINAS kaya PWEDE BA! wag nyo idamay ang Pilipinas sa inyong dahil maganda ang bansang Pilipinas, pumapangit lang ito dahil sa mga taong nakatira dito. Napaka-raming magagandang tanawin sa Pilipinas sa katunayan nga yan marami-rami parin ang mga porener na gustong bumisita sa Pilipinas, hindi ko lang alam kung ilan nga lang sila.
Pinoy ako, kayumanggi, pango, katamtaman lang ang laki at mahilig sa adobo. Maraming magagandang pag uugali tulad ng pag-galang sa nakatatatanda sa akin, mapagbigay sa pakikitungo maging sa ibang nasyon at napakarami pa, kung babanggitin ko lahat baka antukin kapa.

Kaya ikaw, mambabasa ka man o manunulat sa kahit anong paraan, wag mo na sirain ang bansang Pilipininas at kapwa mo Pilipino dahil bandang huli kahit sabihin mong nakatira ka sa ibang bansa o half-ewan ka may dugong Pinoy parin sayo. Itigil mo na ang pagsusulat o pagkwekwento ng masamang imahe ng Pilipino dahil isa karing Pilipino, alam ko kakarampot na lang ang magagandang balita tungkol sa Pilipino pero subukan mo ring ipagmalaki na Pinoy ka at lumaki ka sa Pilipinas kahit sa kakarampot na paraan.

Friday 3 June 2011

Sulat ng Magulang sa kanyang Anak

Mahal kong anak,

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensiyahan.

Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan

o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan.

Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge!" paki-ulit nalang ang sinabi mo o pakisulat
nalang.Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka.

Basta pakinggan mo nalang ako. Huwag mo sana akong Pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.

Natatandaan mo anak noong bata ka pa? kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin,

maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa.

Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko.

Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan.

Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit, Dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.

Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap.

Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik

Na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.

Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin

ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman,
huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan,

Pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay.

Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay

At bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,

ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana .....

Dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...



Nagmamahal,

Nanay at Tatay

Magulang

Napakalaki ng utang na loob natin sa ating mga Magulang. Sila ang nagtaguyod at nagpalaki sa atin. Sila ang nagsikap para mabigyan tayo ng magandang buhay. Sila ang gumagawa ng paraan para tayo ay may makain, matulugan, maibihis at kung anu-ano pang mga pangangailangan natin para sa mundong ito. Sila din ang gumagabay at nagtuturo kung pano tayo maging isang ganap na anak at tao sa bawat isa. Sila din ang nagtuturo kung paano tayo mamumuhay hanggang sa paglaki natin. Napaka laki ng utang loob ko sa aking mga  Magulang sapagkat hangga't nabubuhay ako sila ang siyang dahilan kung bakit ako narito sa mundong ito. Kaya karapatan ng magulang na ingatan at gabayan ka sapagkat walang magulang ang gustong ipahamak ang anak.

Isa ako sa pinakamaswerteng tao na binigyan ng mabait at mapagmahal na Magulang, bata palang ako at hindi pa uso ang salitang OFW sa mga Pinoy nag ta-trabaho na sa labas ng bansa ang aking Magulang. Hindi mahirap at hindi rin kami mayaman kumbaga sapat lang. Pero ano ba talaga dapat ang ibigay ng magulang sa kanyang mga anak? ang materyal ba na bagay o ang pagmamahal?

Minsan may naikwento sa akin ng ermat ko, yung isang tita ko ay pinapatigil na si ermat sa pagtatrabaho sa ibang bansa at alagaan na lang daw kami pero ang sagot nya "sige ba! sino bang magulang ang gustong mawalay sa kanyang mga anak? basta ba ibibigay mo lahat ng aming pangagailangan e, walang problema" napatahimik at napaisip ang aking tita.

Hindi nakakain ang pagmamahal, hindi nakakabayad ng buwanang bayarin ang pagmamahal, hindi nakaka bili ng pangangailangan ng isang pamilya ang pagmamahal. Para sa akin ang pagmamahal ay isang lamang pondasyon para sa matatag na Pamilya.

Isa na rin akong Magulang ngayon at nagbabakasakali rin ako dito sa labas ng bansang aking sinilangan dahil hindi makaka-buhay ng isang pamilya ang minimum na sahod sa Pinas. Mahal ko ang aking Pamilya, gusto ko silang bigyan ng magandang buhay mahirap bumuo ng pamilyang puro problema sa kadahilanang kapos sa pera.

Hindi lahat ng Magulang ay nagiging swerte sa anak pero lahat ng Anak maswerte dahil binuhay sila ng kanilang Magulang.

Wednesday 1 June 2011

Isisi ba sa iba ang pagkukulang mo sa iyong sarili?

Kaya daw maraming mahirap, naghirap, naghihirap at maghihirap palang dahil daw sa GOBYERNO. Pero hindi ba TAO mismo ang may pag-kukulang, TAO rin ang dahilan kung bakit sya mahirap, naghirap, naghihirap at maghihirap palang. Marami dyan talagang galing sa hirap at walang pera pero nagsumikap umahon sa buhay.

Bakit kailangan mong isisi sa Gobyerno ang iyong mababang sahod? gayong kumpanya ang mismong nagpapasahod sayo at hindi ang Gobyerno. Bakit kailangan isisi sa Gobyerno ang pag-taas ng presyo ng gasolina o nag iba't-ibang bilihin? Sisihin mo ang namamahal sa World Market at yung iba't-ibang unos na nagiging dahilan kung bakit nagmamahal ang gulay at isda. OO alam kong kurakot ang Gobyerno, pero kayang kaya mong umangat sa buhay ng hindi nangangailangan ng kahit sinong magnanakaw sa Gobyerno dahil IKAW mismo ang maghahanap ng trabaho at hindi sila, makikinabang lang sila sa buwis mong binabayaran.

Lagi mo rin sinasabi na kung nakapag-aral ka lang sana titulado kana sana at kumikita ng malaking pera, pero diba marami namang naka-tapos at yumaman dahil sa pagbabasura, pagtitinda ng pisbol, pagbebenta ng tingi-tinging sigarilyo sa kalsada at dahil sa kanilang sipag at tiyaga kaya wag mong sisihin na mahirap lang kayo kaya naging tambay, adik, pusher, prosti ka ngayon.

Lagi mo ring sinasabi na kaya ganyan ang nangyari sayo dahil Kapalaran mo yan, wag kang tanga ikaw ang pumili ng kapalaran mo hindi nangyari yan dahil nagkataon lang.

Walang mangyayari sa buhay mo sa kakasisi mo sa iba. Ang mga ginagawa mo ang siyang nagiging bunga ng mga nangyayari sayo.