Wednesday, 20 July 2011

45 minutes

Siguro lahat naman ng nagta-trabaho sa labas ng bansa ay nagkakaisa sa iisang pangarap, yun ang bigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Oo isa na ako sa milyong-milyong OFW. Dahil na rin siguro sa kahirapan ng buhay at sa mga punyetang nangloob at nangholdap sa aming Computer-shop kaya nagpasya akong umalis ng bansa. Noong nasa Pilipinas pa ako, ayaw kong tumambay sa bahay kahit alam kong paalis na ako ng bansa sa susunod na buwan. Ang rason ko? ayaw ko silang ma-miss at ayaw ko ring sanayin ang sarili ko na kasama sila. Kaya madalas inuman at dota ang ginagawa kong libangan noon, mayroon pa ngang pagkakataon na nagaaway kami ni misis nun "aalis ka na nga lang e, barkada pa kasama mo!" yan ang madalas saking isumbat ni misis habang tumatagay ng alak. Pero ayaw ko kasing isiping aalis na ako at iiwan ang aking pamilya, pero kahit ayaw ko man, wala akong magagawa.

2 months old palang ang aking panganay na anak ng lisanin ko ang Pilipinas dahil hindi rin naman gaanong kadali ang humanap ng trabaho sa labas ng bansa 3 months akong naging tambay dito syempre dahil wala pa akong trabaho noon, madalas ang usap namin ni misis salamat sa facebook, ym at skype. Pero nagbago ito ng makahanap ako ng trabaho, may araw pang hindi kami nagkakausap ng asawa ko dahil sinoli ko na sa nanay ko ang laptop nya. Ang malaking problema pa ay ang hour gap ng Pinas at Nigeria 7 hours. kumbaga 7am dito 2pm sa pinas.

Ngayon napakalaking halaga sa akin ng 45minutes kong break dito sa trabaho, yun lang kasi ang pagkakataong nakikita ko at nakakausap ang aking mag-ina at madalas bitin pa. Pero syempre wala naman din akong magagawa, hindi naman pwedeng mag extend baka mahuli ng amo at masisante pa ako. Ngayon ko lang nalaman na sayang ang mga oras kong nilaan sa pagtagay ng alak, sayang ang mga oras na nilaro ko ng dota, sayang ang mga araw na hindi ko man lang inasikaso ang aking anak, sayang ang linggong hindi kami nakapag simba kasama sila, sayang, sayang, sayang...


Ganoon pa man kuntento na ako sa 45minutes, 45minutes na kwentuhan, 45 minutes na tawanan, 45 minutes na balitaan, 45 minutes na kamustahan at 45minutes na makikita ang mga ngiti at iyak ng aking anak, ang 45minutes katumbas ng  pagpawi ng pagod sa buong maghapong trabaho.


No comments:

Post a Comment